Patuloy umanong imo-monitor ng OCTA Research group kung tataas pa sa mga susunod na linggo ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positivity rate sa bansa.
Kasunod na rin ito ng bahagyang pagtaas ng positivity rate ng bansa na nasa 2.4 percent.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang positivity rate ng National Capital Region o ang percentage ng mga taong nahawaan ng COVID-19 kumpara sa kabuuang bilang ng mga taong sumailalim sa test ay tumaas sa 2.4 percent noong Enero 27 mula sa dating 2.0 percent noong Enero 26.
Ang positivity rate sa Metro Manila naman ay nasa 2.5 percent noong January 20.
Sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DoH), mayroong bagong kaso ng nakamamatay na virus na nasa 199 habang ang active tally ay bumaba naman sa 10,038.
Ang NCR naman ay nananatiling nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo na mayroong 858.
Sinundan ito ng Calabarzon na mayroong 433, Western Visayas na may 256, Central Luzon na may 216 at Davao Region na mayroong 196.