Nakatakdang payagan ng Department of Migrant Workers ang online na pagpoproseso ng mga employment contracts ng mga on-board Filipino seafarers.
Layon nitong i-streamline at mapabilis ang sistema sa mga licensed manning agencies.
Sa inilabas na Advisory No. 3-2024 ng ahensya, sinabi nito na magsisimula nitong ipatupad ang “Online On-Board Processing Module” simula Pebrero 15.
Sinabi ng DMW na para sa initial implementation , ang online module ay sasaklaw lamang sa mga on-board contract processing transactions na may kaugnayan sa pagpapalawig ng tagal ng kontrata at/o pagtaas ng sahod o mga pagbabago sa suweldo.
Para sa extension, ang DMW ay hindi tatanggap ng extension ng mga kontrata na lampas sa 12 buwan mula sa petsa ng pag-alis na nakuha ng Bureau of Immigration o matapos kumpirmahin ng isang lisensyadong manning agency sa Overseas Welfare Monitoring System.
Sinabi ng ahensya na ang online system ay hindi rin tatanggap ng mga contract extension durations na mas mababa sa isang buwan.
Tungkol naman sa pagsasaayos ng suweldo, sinabi ng DMW na ang online system ay hindi tatanggap ng mga pagbabawas ng anumang halaga sa basic, overtime, at leave pays; at pagsasaayos ng sahod kung ang natitirang tagal ng kontrata ay mas mababa sa isang buwan.
Nangangailangan din ito ng mga licensed manning agencies upang matiyak na ang mga detalyeng naka-encode sa sistema ng pagproseso ng mga on-board contracts ay kapareho ng kopya ng kontratang ia-upload.
Ang mga manning agencies ang tanging mananagot para sa anumang hindi pagkakapare-pareho at pagkakamali sa mga naka-encode na detalye at sa na-upload na kontrata ayon sa ahensya.
Sinabi rin ng departamento na patuloy itong tatanggap ng mga physical submissions para sa pagpoproseso ng on-board contracts na kinasasangkutan ng mga dati nang natukoy na transaksyon para sa manu-manong pagsusuri lamang hanggang Marso 1.