-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagsasagawa na ng contact tracing ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) South Cotabato at ang local government ng T’boli matapos naitala ang pinakaunang kaso ng coronavirus disease sa lalawigan.

Inihayag ni IPHO chief Dr. Rogelio Aturdido na may travel history ang 52-anyos na lalaking pasyente mula sa Manila lulan ng barko kung saan nagpa-admit muna ito dahil nakaranas ng lagnat bago bumuti ang kaniyang kalagayan.

Kaagad namang sumailalim ang naturang person under investigation sa 14-day self-quarantine.

Dagdag din ng naturang opisyal na isinailalim na sa total lockdown ang bayan ng T’boli matapos maitala ang nasabing kaso.

Muli rin nitong umaapela na ngayong may unang kaso nang naitala ang lalawigan, ay dapat lamang na kumalma ang mga residente, higpitan pa ang pagpractice ng social distancing, cough etiquette, at palakasin ang immune system upang maiwasang mahawaan ng naturang sakit.