Kinondena ng consumer group na Power for People Coalition (P4P) ang pagiging abala umano ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa pagtatalo sa pamumuno sa PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan) habang ang rate ng kuryente ay nananatiling mataas sa kanyang termino.
Ayon kay P4P Convenor Gerry Arances, si Secretary Cusi ay binabayaran ng DOE upang magtrabaho para sa isang sektor ng enerhiya na makikinabang sa lahat ng mga Pilipino.
Aniya, ang sumiklab na away sa loob ng PDP Laban ay nagpapakita na mabilis kumilos si Cusi upang makuha ang nais.
Dagdag pa ni Arances, napapaisip siya kung ano ang mangyayari kung mapapatalsik ng mga tao si Secretary Cusi mula sa DOE.
Magagawa pa raw ba kaya nitong ayusin ang lahat ng mga problema sa sektor ng enerhiya sa loob ng isang linggo?
Ito’y lalo pa’t ang mga problema sa mataas na presyo ngunit mababang supply ng enerhiya ay nasa paligid mula pa noong kanyang unang araw sa opisina.
Napag-alaman na ang pinuno ng DOE ay pinuna ng mga consumer bunsod sa pagpapalawak ng papel nito sa ginagampanan ng karbon sa energy mix ng bansa kahit na patuloy na nabigo ang mga planta ng kuryente kapag tumataas ang demand. (Bombo Jane Buna)










