BAGUIO CITY – Nahaharap sa kasong robbery, physical injury at rape, ang isang construction worker sa bar sa Dagohoy Street, Kagitingan, Baguio City.
Nakilala itong si Joshua Esnara, 19-anyos na residente ng Tuding, Itogon, Benguet, habang ang biktima ay 19-anyos na dalaga na waitress sa naturang bar.
Ayon sa pulisya, nagtungo ang suspek sa bar ngunit nakasara ito kaya umalis ang kasama ni Esnara.
Ngunit hindi nakontento ay inakyat ng suspek ang pinto ng bar at nang makapasok ay nagtungo agad sa counter kung saan natutulog ang biktima.
Kinuha ng suspek ang koleksyon na P180 sa counter bago niya tatlong beses na sinuntok ang tiyan at bahagi ng ulo ng biktima.
Kasunod nito ang pagbabanta umano ng suspek sa dalaga na papatayin niya ito kung magpapasaklolo kaya naisakatuparan ang panggagahasa.
Napag-alaman na sa gitna ng pangagahasa ay may mga concerned citizens na kumatok sa pinto ng bar at dito nabuking ang ginagawa ng suspek.
Kaagad nilang hinuli ang sinasabing rapist at dinala sa himpilan ng pulisya.