-- Advertisements --

Nanawagan ang constitutional law expert na si Atty. Michael Henry Yusingco sa mga opisyal ng pamahalaan na huwag matakot o umasa lamang sa suporta ng mga voting bloc tuwing halalan dahil maaari umano nitong pahinain ang diwa ng demokrasya sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo, binigyang-diin ni Yusingco na dapat nakabatay sa interes ng taumbayan at sa Konstitusyon ang mga desisyon ng mga halal na opisyal, at hindi sa pangambang mawalan ng suporta mula sa mga organisadong grupo ng botante.

Aniya, bagama’t karapatan ng anumang organisasyon na mag-endorso ng kandidato, hindi dapat maging dahilan ito upang maimpluwensyahan ang pagpapatupad ng batas o ang pagganap ng mga opisyal sa kanilang tungkulin.

Dagdag pa ng eksperto, kailangang manatiling malaya at patas ang mga institusyon ng pamahalaan upang mapanatili ang tiwala ng publiko at ang tunay na kahulugan ng demokrasya.

Binanggit din niya na ang pananagutan ng mga opisyal ay nasa taumbayan at sa batas, at hindi sa anumang grupo o voting bloc na maaaring sumuporta sa kanila noong halalan.

Pinunto ni Yusingco na hindi nakabubuti ang pagpapairal ng voting bloc na sumusunod lamang sa dikta ng pinuno kung sino ang kanilang iboboto o susuportahan, dahil nagiging hadlang ito sa malayang pagpapasya ng bawat mamamayan at sa mas malawak na interes ng bansa.