-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na “conditional” emergency use authorization (EUA) pa lang ang iginawad sa COVID-19 vaccine ng Indian company na Bharat Biotech.

“Kasi hindi pa siya nakakapag-submit ng ibang requirements na kailangan ng FDA para ma-kompleto yung kanyang dossier,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kabilang daw sa hindi pa naipapasa ng Indian firm ay ang certificate ng good manufacturing practice at cost risk management plan.

“Mayroon ding mga summary protocol na hindi pa nila naibibigay.”

Sa kabila nito nilinaw ni Vergeire na wala namang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi makakapasok ng Pilipinas ang supply ng Bharat Biotech nang hindi kumpleto ang mga kailangang dokumento.

Nitong Martes nang aminin ng Food and Drug Administration na may EUA na rin ang bakunang Covaxin ng naturang Indian pharmaceutical company.

Bukod sa bakuna ng Bharat Biotech, may emergency use na rin ang single-dose vaccine ng Johnson & Johnson.

Batay sa datos ng Department of Health, may 81% na efficacy rate ang nasabing bakuna kapag ibinigay ng dalawang doses sa pagitan ng 14-araw.

Wala pang petsa ng pagdating sa mga bakuna ng Janssen at Bharat Biotech. Pero ang COVID-19 vaccine ng Moderna inaasahan nang dadating sa susunod na buwan, bagamat wala pa itong EUA.

“Hangga’t walang EUA ang isang produkto hindi pwedeng ipagamit sa populasyon. Ang lagi nating sinasabi ang ating kasiguraduhan, the guarantee for the citizens na ang produkto ligtas at effective ay itong EUA na binibigay ng FDA,” ani Vergeire.

“Kung walang EUA ang isang produkto hindi makakapasok sa bansa at ipagamit sa mga kababayan.”