Humihiling ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng alternatibong paraan upang makasabay sa modernization ang mga jeepney drivers at operators, habang nagpapatuloy pa ang pagbabalik sa normal ng mga byahe.
Kasunod ito ng pinangangambahang kakulangan ng public transportation sa June 30, 2023, kung sakaling ituloy ang jeepney phaseout.
Sabi ni Atty. Ariel Inton, presidente ng grupo, na posibleng lumala ang kakulangan ng masasakyan ng publiko dahil libo-libong jeepney ang mawawala na sa sirkulasyon.
Paliwanag pa ni Atty. Inton na sa kasalukuyan ay pahirapan na ang masasakyan ng commuters at posibleng mas magiging doble pa ang problema kung tuluyang aalisin ang traditional jeepney.
Mungkahi nito, i-upgrade na lang ang mga public utility jeepneys upang makasabay sa programang modernisasyon.
Nababahala din ang grupo sa bantang tigil pasada ng driver at operators, lalo’t posibleng ang riding public na naman ang magkakaproblema, lalo na ang mga nasa — no work, no pay setup.