Hindi na kailang pang kumuha ng permits ng mga community pantries sa Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Subalit itinutulak naman nito ang creation ng health at safety guidelines para sa mga charity sites na ito na pinupuntahan ng maraming mga tao.
Iginiit ni Belmonte na hindi na kailangan pa ng permits ng mga community pantries dahil hindi naman commercial establishments ang mga ito.
Sa katunayan, hangga’t sa maari ay hindi aniya makikisaw-saw pa ang pamahalaan sa community initiative na ito.
Kaya nga hindi na raw siya bumisita sa mga community pantry na ito dahil ayaw niyang maging “epal” at mahaluhan ng politika ang dalisay na intensyon ng mga organizers sa pagtatayo ng mga community pantries.
Kahapon, sinabi ni Interior Undersecretary Martin Diño na kailangan daw ng mga community pantry organizers na kumuha muna ng permit mula sa barangay o local government.
Kalaunan, binawi naman ni Diño ang kanyang naging pahayag.










