Nakompleto na ng daan-daang residenteng naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro ang ibinigay na libreng training ng pamahalaan para sa kanila.
Layunin ng Community-Based Sustainable Tourism Organizations (CBSTOs) na makabangon ang mga mamamayan sa pinsalang idinulot ng pagkalat ng langis sa kanilang lugar, lalo na ang mga nasa sektor ng turismo.
Pinangunahan ang aktibidad nina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco, Oriental Mindoro Governor Hurmelito “Bonz” Dolor at iba pang opisyal.
Nasa 1,072 ang bilang ng mga sumalang sa pagsasanay na nakapaloob sa Bukas na may Pag-asa sa Turismo (BBMT) Alternative Livelihood Training Program.
Kabilang sa mga pinag-aralan ng mga residente ang farm tourism, urban farming, food tourism, health and wellness tourism at maraming iba pa.
Naging kaagapay naman dito ng DoT ang Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan nakapaloob ang ilang programa, kagaya ng Tulong Panghanap-Buhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at marami pang iba.