LEGAZPI CITY – Pinagbawalan muna ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na magbigay ng kahit anong pahayag ang commissioner nitong si Manuelito Luna gamit ang pangalan ng tanggapan.
Bunsod ito ng mga batikos sa PACC matapos umapela si Luna ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa umano’y pakikipag-kompetensiya ni Vice President Leni Robredo sa tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng COVID-19 crisis.
Sa panayam ng Bombo Radyo iginiit ni PACC chairman Dante Jimenez na walang kinalaman ang komisyon sa naturang pahayag ni Luna.
Dagdag pa nito, hindi saklaw ng mandato nila ang hinihinging hakbang ni Luna.
Para kay Jimenez, imbis na punahin ang gawa ng iba, ay dapat pang i-welcome ang lahat ng tulong na ipinupunto rin ng batas na “Bayanihan to Heal As One Act”.
Dagdag pa ni Jimenez na isantabi na muna ang pulitika at kahit anong kulay ng partido nagmula, magkaisa sa pagtatrabaho para sa mga apektado.