-- Advertisements --

Todo ngayon ang panawagan ni Commission on Elections Commissioner George Garcia sa National Bureau of Investigation (NBI) na ilabas na sa lalong madaling panahon ang resulta ng kanilang isinasagawang imbestigasyon sa umano’y data breach ng Smartmatic automated elections system.

Sinabi ni Garcia na hinihintay na ng Comelec ang resulta ng kanilang imbestigasyon para agad nila itong maipagbigay alam sa publiko at makagawa sila ng naaayong aksiyon bago ang halalan sa Mayo 9.

Habang hinihintay naman ng Comelec ang resulta ng imbestigasyon ng NBI, nais ngayon ng komisyon na siguruhing ligtas ang paggamit ng automated election system.

Ipinunto pa ni Garcia ang pangangailangan ng poll body na maghanda ng backup plan dahil na rin sa hindi inaasahang sitwasyon na posibleng mangyari.

Una rito, ibinunyag ni Senator Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, na mayroon data breach sa panig ng Smartmatic na posibleng maglagay sa halalan sa alanganin.

Kabilang na raw sa mga posibleng nakompromiso ang personal information, ledgers, office photos at contact persons ng Comelec.

Ang naturang mga data ay posible rin umanong nasa kamay na ng mga sindikato.

Bilang tugon, sinabi naman ng Comelec na agad silang nagpasaklolo sa NBI para imbestigahan ang naturang isyu.

Sa ngayon hawak na rin daw ng NBI ang empleyado ng Smartmatic na sinasabing sangkot sa data breach at patuloy na iniimbestigahan.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms noong Lunes, muling binigyang diin ni Smartmatic spokesman Atty. Christopher Louie Ocampo na hindi raw na-hack ang kanilang sistema.

Siniguro rin nitong 100 percent na ligtas ang halalan sa Mayo sa kabila ng naturang mga naglabasang isyu.