-- Advertisements --
image 54

Nanawagan na rin ang Commission on Human Rights (CHR) na magsampa ng naaangkop na mga kaso laban sa mga pulis na sangkot sa iligal na droga.

Inilabas ng CHR ang pahayag ilang araw matapos hilingin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga full colonel at heneral ng Philippine National Police (PNP) na magsumite ng kanilang courtesy resignation sa gitna ng pinaigting na internal cleansing sa hanay ng pambansang pulisya.

Saad pa ng komisyon na ang pagbibitiw o pagtanggal sa puwesto ay unang hakbang lamang sa paghahangad ng hustisya at hindi pagtanggal ng pananagutan sa hanay ng pulisya. Kung mapatunayang totoo aniya ang mga alegasyon, dapat na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga tiwaling pulis.

Noong nakaraang buwan, malugod na tinanggap ng komisyon ang programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” o BIDA ng administrasyon na naglalayong labanan ang problema sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagbabawas ng demand at rehabilitasyon ng mga taong gumagamit ng iligal na droga.

Nauna nang sinabi ng CHR na kailangang muling i-orient at sanayin ang mga tauhan ng pulisya upang maiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso o paglabag habang nanawagan ito ng imbestigasyon sa mga calim na pang-aabuso ng mga awtoridad.

Bukod dito, binigyang diin ng CHR ang kanilang apela sa DILG at PNP na magsampa at imbestigahan ang mga kaso katulad ng mga biktima ng drug war na sina Kian delos Santos, Carl Arnaiz, at Reynaldo “Kulot” de Guzman at inihayag na ang isang proactive at systemic action laban sa katiwalian ay ang tanging paraan upang maipakita sa ating mga kababayan na ang batas ay para din sa mga marginalized at mahihirap.