Ikinatuwa ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagpaparehistro sa Register Anywhere Project (RAP) hubs.
Base sa data ng komisyon, kabuuang 2,043 applications sa voter registration ang isinumite sa kanila noong Enero 14 hanggang 15.
Ang pinakamaraming bilang ng mga applications ay natanggap sa isang sikat na mall sa Quezon City na mayroong 614.
Sinundan ito ng malaking mall sa Manila na mayroong 386; sikat na mall sa Sucat, Parañaque City na mayroong 284 at isa pang mall sa Quezon City na mayroong 267.
Nakitaan din ang pagtaas ng mga nagpaparehistro sa Register Anywhere Program booths sa pinakamalaking mall sa bansa na matatagpuan sa Pasay City na mayroong 254; Mall sa Tacloban, Leyte na mayroong 119; malaking mall sa Legazpi, Albay na mayroong 60 at sa Naga, Camarines Sur na mayroong 59.
Una rito, sa record ng Commission on Elections, sa unang dalawang linggo ng registration ay umabot sa 1,129 ang applications mula Enero 7 hanggang 8 habang 611 applicants lamang mula Disyembre 17 hanggang 18, 2022.
Ang ipatutupad namang huling linggo ng registration sa walong piling mall sa Enero 21 at 22, 2023 ay magbubukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Samantala, ang Register Anywhere Program sites ay magbubukas naman sa Government Service Insurance System Main Office sa Pasay City mula Enero 16 hanggang 20, 2023 dakong alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Magkakaroon din ng Register Anywhere booths sa Senate of the Philippines sa Pasay City at House of Representatives sa Quezon City sa Enero 25 at 26 dakong alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa ilalim ng naturang programa, ang lahat ng kwalipikadong aplikante na naninirahan sa kahit saang lugar sa bansa ay pwedeng mag-register sa Register Anywhere Program sites sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang application form, documentary requirements at ang kanilang biometrics na kinuha sa site.