-- Advertisements --
comelec chairman george garcia

Umapela si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa Philippine National Police madaliin na ang pagresolba sa mga kaso ng karahasan laban sa mga election officers.

Kasunod ito ng mga napaulat na insidente ng karahasan at panghaharass sa mga poll officer tuwing panahon ng halalan.

Kabilang sa mga naging biktima nito ay si election officer Aknam Hasim, na kamakailan lang ay binisita ni Garcia nitong Sabado, Enero 21, 2023.

Si Hasim ay biktima ng pamamaril habang siya ay patungo sa Office of Provincial Election Supervisor na naging sanhi ng kaniyang pagkabulag noong Oktubre 2021.

Bukod sa kaniya ay naging biktima rin ng karahasan si election officer Ruayna Sayyadi mula sa Isabela City, Basilan na nagmitsa naman ng kaniyang pagkasawi noong Hulyo 2022.

Sa isang pahayag ay binigyang-diin ni Garcia na hindi na dapat pang maulit ang ganitong klase ng mga insidente laban sa mga poll workers.

Dahilan kung bakit tiniyak niya na makakarating ito sa pamunuan ng PNP upang mabigyan aniya ng hustisya sa pamilya at mga indibidwal na biktima ng nasabing karahasan.

“Hindi rin naman pupwedeng basta lang namin palalampasin yan. Ide-demand pa rin natin sa mga kinauukulan lalong-lalo na sa ating kapulisan na kung pupwede, ‘wag kakalimutan at magkaroon ng direksyon ang ginagawang imbestigasyon kasi otherwise, mangyayari na naman ‘yan at baka yung gumawa sa kanya baka naman ‘yung susunod at ‘yung papalit sa kanya, ‘yon naman din ang gagawan ng kasamaan,” ani Garcia.

Hindi naman kasi aniya dapat na isinisisi sa komisyon at mga kawani nito ang kinalalabasang resulta ng halalan dahil ginagawa lamang aniya ng Comelec ang kanilang tungkulin.

Samantala, kaugnay nito ay nagbabala rin siya na hindi nila uurungan ang sinumang nagbabalak ng masama laban sa komisyon.

Kung may mga nakikinig man d’yan na nagbabalak ng masama sa Commission on Elections, do not test the present leadership. Do not test the Commission on Elections,”.

“We have all the powers to practically bring the dogs of war [to] your doorstep.” dagdag pa ni Garcia.