Pinaplano ng Commission on Elections (Comelec) na sa ikalawang linggo ng Disyembre na isagawa ang special election sa ikatlong distrito ng Negros Oriental na nabakante ng napatalsik na si dating Congressman Arnolfo Teves Jr.
Inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kaya aniyang maisagawa ang nasabing special election basta matapos ang barangay at SK elections sa Oktubre 30.
Ayon pa sa Comelec official natanggap na nila ang resolution at sulat mula sa House of Representatives na nagdedeklarang bakante na ang posisyon ni Teves at sa panawagan ng mbabang kapulungan na magsagawa ng special election.
Sinimulan na rin ng poll body ang komputasyon sa kabuuang magagastos para sa pagsasagawa ng special elections.
Inaasahan naman na makukumpleto na ang pag-imprinta ng mga balota sa katapusan ng Setyembre.