-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang Commission on Elections (Comelec) sa panukalang inihain sa House of Representatives na naglalayong payagan ang maagang pagboto para sa vulnerable sector at mga piling propesyon.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang panukalang batas ay magbibigay-daan din sa mga healthcare worker at abogado na mga tagapayo para sa mga kandidato sa panahon ng halalan na makaboto nang maaga bago ang nakatakdang botohan.

Aniya, tulad ng binanggit ni Chairman George Erwin Garcia, pinag-aaralan nang mabuti ng Comelec ang Early Voting Hours for Senior Citizens at iba pang bahagi ng vulnerable sectors, sakaling hindi maipasa ang panukalang batas pagsapit ng October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sinabi ng opisyal na magiging isang kalamangan din para sa mga healthcare worker at mga abogado na mabigyan ng pagkakataong bumoto nang maaga, dahil pareho silang ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa panahon ng botohan.

Kung isasama umano ng mga mambabatas ang mga healthcare worker na hindi basta-basta makakaalis sa kanilang trabaho dahil sa tungkulin, makakatulong din ito sa sektor para mas maraming tao ang makaboto.

Dagdag ni Laudiangco, para sa mga abogado na karamihan ay tumatayo rin bilang counsel ng mga kandidato sa iba’t ibang bahagi ng bansa, makakatulong din ito para makaboto pa rin sa ibang araw ang mga may tungkulin sa araw ng eleksyon.

Sa kabilang banda, aniya, kung maipapasa ang naturang panukala, mangangailangan ang Komisyon ng karagdagang pondo para sa mga gastusin tulad ng karagdagang honoraria para sa mga guro o mga magsisilbing Electoral Board (EB).
Top