-- Advertisements --
COMELEC CHAIR GEORGE GARCIA

Plano ng Commission on Elections na maresolba sa susunod na linggo ang lahat ng nakabinbing disqualification cases para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Inihayag ni Comelec Chair George Garcia na may kasalukuyang 125 disqualification cases na inihain para sa 2023 BSKE.

“Asahan sa darating na linggo, maglalabas na ang mga desisyon… Mula sa dibisyon ng Comelec, umiikot na ang mga resolusyon kung saan ang 125 na na-file na disqualification cases ay ire-resolve na ng Comelec,” ani Garcia.

“Bago mag-October 30, magdi-disqualify at magtatanggal ng mga pangalan sa listahan [ng mga kandidato sa BSKE],” ani Garcia.

Sinabi rin ng hepe ng Comelec na mayroon ding mga hakbang kung sakaling hindi maabot ang resolusyon bago ang araw ng halalan.

“Halimbawa na kakapusin sa panahon, ang Comelec ay may kapangyarihan to suspend any proclamation… Kung ang isang kandidato ay may disqualification case at may merito ang kaso… pwedeng isuspend ang proclamation,” paliwanag ni Garcia.

Sa ngayon, 12 na kandidato para sa BSKE ang na-disqualify na, ayon sa Comelec. Ito ang mga kandidatong may mga nakaraang kasong kriminal na hindi karapat-dapat na tumakbo para sa mga lokal na posisyon.