
Hanggang sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang pagdating ng mga registrants dito sa isang malaking mall sa bahagi ng lungsod ng Maynila.
Ito nga ay may kaugnayan pa rin sa huling araw ng voters’ registration ng Commission on Elections para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ngayong araw ay bumisita rin mismo sina Comelec Chairman George Erwin Garcia, Commissioner Rey Bulay at Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco at iba pa dito sa registration site.
Ayon kay Garcia, ngayong araw ay inaasahang aabot sa 1.5 million hanggang 1.6 million na mga botante ang madadagdag sa kasalukuyang 91 million na kabuuang bilang ng registrants na nakapagparehistro na sa ilalim ng Register Anywhere Program ng Commission on Elections.
Patuloy ang paghimok ng komisyon sa lahat ng mga hindi pa nakakapagrehistro na magtungo na sa mga registration sites ngayon dahil hindi na aniya magkakaroon pa ng extesion itong voters’ registration ng Comelec.
Samantala, nabanggit ni Garcia na magtatagal ang registration hanggang alas-5 ng hapon ngunit sakaling maabutan naman aniya ng cut off ay patuloy na ia-accommodate ng mga kinatawan ng komisyon hanggang sa maubos ang pila ng mga kababayan nating nais na magparehistro.









