Binigyang-diin ni Comelec Commissioner George Garcia na wala pang guilty o napapatunayang may kasalanan hinggil sa isyu ng hindi natuloy na presidential at vice presidential townhall debate ng Commission on Elections (Comelec).
Sa gitna ito ng kasalukuyang umiiral na imbestigasyon ng komisyon sa kontrata sa pagitan Comelec at ng private organizer ng naturang debate na Impact Hub Manila.
Ayon kay Garcia, sa ngayon kasi ay wala pang nagiging aksyon si Comelec Chairman Saidamen Pangarungan hinggil sa rekomendasyon na inilabas ni Commissioner Rey Bulay na “temporary relief” kina Spokesperson James Jimenez at Director Frances Arabe, na parehong mga direktor ng Comelec Education in Information Department.
Pag-amin niya, sa kabuuan ay hindi pa opisyal at posibleng kailanganin pang magkaroon ng pormal na fact finding investigation ukol dito dahil ang naturang rekomendasyon daw kasi ay inisyal pa lamang.
Paliwanag niya, kinakailangan daw kasi munang mabuo ang kanilang imbestigasyon mula sa iba’t-ibang anggulong may kinalaman dito bago sila maglabas pinal na hakbang ukol sa naturang usapin.
Samantala, sa ngayon ay hinihintay pa nila ang magiging tugon ni Chairman Pangarungan ukol dito upang matalakay na nila ito sa mga susunod na panahon.
Kung maaalala, napilitan ang Comelec na huwag nang ipagpatuloy ang kanilang ino-organisang townhall debates matapos na pumutok ang kontrobersiya sa pagitan ng Sofitel at Impact Hub Manila.