-- Advertisements --

Nanawagan ngayon si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa Kongreso, at Department of Budget and Management (DBM) na sana’y mapagbigyan na sila sa kanilang hiling na magkaroon ng sariling gusali tulad ng ibang sangay ng gobyerno.

Ito matapos na masunog ang bahagi ng gusaling nirerentahan ng komisyon para sa kanilang pag-oopisina.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Garcia na naniniwala siyang dapat nang mailipat ang opisina ng kanilang Information and Technology Department sa isang mas maluwag at mala-command center na lugar na madaling matunton ngunit protektado mula sa iba’t-ibang posibleng maging sakuna tulad ng lindol, baha, sunog, at iba pa.

Aniya, batay sa kanilang isinagawang computation at financial analysis, lumalabas na nasa Php8.2 billion lamang ang posibleng magastos sakaling mapahintulutan silang magpatayo sila ng sariling gusali na mayroong kumpletong pasilidad, at warehouose para sa mas madaling koordinasyon na maaaring maitayo sa loob ng walo hanggang sampung taon.

Sa pamamagitan nito ay sinabi ni Garcia na mas mura at makakatipid aniya nag pamahalaan dito kumpara sa palagiang pagbabayad nito ng double digits para sa renta ng mga opisina ng Comelec.

Dagdag pa ng opisyal, sa oras daw na magkaroon na sila ng sariling gusali ay mas magiging maayos na ang kanilang proseso na maipagmamalaki na rn ng lahat ng kawani ng komisyon.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang pangungupahan ng mga opisina ng Comelec sa iba’t-ibang gusali sa bansa.