-- Advertisements --
image 62

Nakatakdang dinggin ng Commission on Elections ngayong buwan ang petisyon para idiskwalipika ang technology provider na Smartmatic mula sa partisipasyon nito sa mga halalan sa hinaharap kabilang na sa 2025 automated midterm elections.

Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, magsasagawa sila ng pagdinig sa Oktubre 17 o 18 para talakayin ang naturang petisyon at para bigyan ng due process ang magkabilang panig.

Dito, aalamin ng poll body ang rason ng grounds para i-diskwalipika ang Smartmatic at upang madinig ang side ng inaakusahang kompaniya.

Una ng binuo ng Comelec chair ang isang task force na siyang hahawak sa imbestigasyon kaugnay sa umano’y iregularidad sa bidding para sa procurement ng vote counting machines.

Ito ay matapos na hilingin ng US government ang tulong ng Comelec sa money-laundering case na inihain laban kay dating Comelec chairman Andres Bautista.

Matatandaan na noong nakalipas na buwan, naghain ng money laundering charges ang US justice department laban kay Bautista para sa umano’y pagtanggap nito ng suhol mula sa Smartmatic na siyang nagbibigay ng vote counting machines na ginamit noong 2016 presidential elections.

Base sa report ng US, iginawad ni Bautista sa Smartmatic ang $199 million kontrata para sa pagbibigay ng suplay na 94,000 VCMs.