
Nagsagawa na ang Commission on Elections (Comelec) ng test runs sa automated barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia ang naturang mock automated local elections ay ginanap sa Dasmariñas, Cavite at sa District 6, Quezon City.
Nakibahagi ang nasa 60,000 botante sa mock polls sa Quezon city habang nasa 40,000 botante naman ang nakilahok sa lalawigan ng Cavite.
Sa kabuuan, ayon kay Comelec Chairman Garcia, maayos naman ang resulta kung saan sinuri kung gaano kabilis at kaepektibo aniya ang automated local elections.
Subalit nilinaw naman ng poll body official na ang nalalapit na barangay at SK elections sa Okubre 30 ay mananatiling manual.
Aniya, nagsagawa na sila ng pilot test dahil plano ng Comelec na maging automated na ang susunod na BSKE.
Sa ngayon kasi inaantay pa ng poll body ang desisyon ng Korte Suprema sa apela nito na ilipat ang petsa ng susunod na BSKE sa 2026 mula sa December 2025 kung saan mabibigyan lamang ng dalawang taong termino ang mga mananalong local officials ngayong taon kung matutuloy ang susunod na BSKE sa 2025.









