Nakatakdang makipag-partner ang Commission on Elections (Comelec) sa technology companies gaya ng Microsoft, Meta at Google para sa pagdaraos ng 2025 midterm elections.
Ito ay sa layuning masawata ang maling impormasyon o fake news may kinalaman sa darating na halalan.
Ayon kay Comelec Commissioner Nelson Celis, isinasapinal na ang mga guideline at dokumento para sa maisapormal ang partnership na kasalukuyang binabalangkas na ng poll body.
Tutulong din aniya ang nasabing kompaniya sa voters education.
Plano din ng poll body na i-tap ang mapagkakatiwalaang social media influencers sa kanilang kampaniya laban sa misinformation.
Sa tulong naman aniya ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police, tutukuyin ang mga indibidwal at mga grupong nagpapakalat ng maling impormasyon.










