-- Advertisements --

Pumirma ngayon ng isang kasunduan ang Commission on Elections (Comelec) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) maging ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) para sa tagumpay ng 2022 National and Local Elections.

Naging kinatawan dito ng komisyon si Comelec Chairman Saidamen B. Pangarungan at sa IBP naman ay pinangunahan ni National President Atty. Burt M. Estrada ang memorandum of agreement kasama ang official organization ng lahat ng mga abogado sa bansa.

Naging kinatawan naman ng non-stock, non-profit at non-partisan organization na LENTE ang kanilang Executive Director na si Rona Ann V. Caritos.

Sa ilalim ng MOA, nagkasundo ang tatlong partido na makiki-cooperate para sa tagumpay ng halalan sa Lunes.

Layon ng partido na ma-educate ang publiko sa mga karaniwang paglabag sa halalan, pag-monitor sa general conduct ng halalan at para magbigay ng legal assistance sa publiko at ang electoral board members na nakararanas ng problema o iregularidad sa kasagsagan ng election day.

Present din sa MOA signing sina Commissioner Aimee Ferolino at Comm. Rey Bulay.

Kabilang sa mga pinagkasunduan ang pag-set up ng isang election desk sa lahat ng kanilang chapters na imamando ng kahit isang abogado.

Ang abogado ay magbibigay ng libreng legal assistance sa mga guro, botante at citizens bago at pagkatapos ng election day.

Puwede umano silang sumagot ng mga legal queries at magbigay ng legal opinions kaugnay ng voters’ rights at remedies.

Puwede rin umanong umalalay ang mga abogado sa pag-draft at notarization ng mga reklamo, affidavits at iba pang election-related legal documents.

Sa panig ng LENTE, nangako naman ang mga itong makikipagtulungan sa IBP at Comelec sa pamamagitan ng pag-a-assign ng mga volunteers sa mga IBP election desks mula sa LENTE law school chapters.

Kailangan naman umanong magsanay ang mga volunteer students sa ilalim ng LENTE at kailangang mag-monitor sa pagsasagawa ng May 9 elections sa ilalim ng supervision ng mga abogado ng IBP.

Nangako rin ang Lente na magsasagawa ng nationwide campaign para sa voters’ education sa pakikipag-ugnayan at kooperasyon ng mga ito sa Comelec at IBP.

Labis namang nagpasalamat si Comelec Chairman Saidamen Pangarungan sa naging hakbang ng IBP at LENTE.

Dahil dito, aatasan na raw ng Comelec ang lahat ng kanilang mga field offices na makipag-ugnayan sa LENTE at IBP para maabot ang layunin sa isinagawang MOA signing.