Hinikayat ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Commission on Elections (Comelec) na palawakin ang kanilang information dissemination campaign upang maipabatid at maturuan ang mga overseas Filipinos workers (OFW) ng mga dapat nilang gawin sa online voting.
Iginiit ni Tolentino na sa mahabang panahon, maraming mga Pilipino ang napagkakaitan ng kanilang karapatang bumoto kabilang na ang mga Pinoy seafarers na hindi makaboto dahil nasa gitna ng dagat.
Dahil dito, kinatigan ng senador ang pagsisikap ng ahensya na makapagkasa na ng pilot test internet voting para sa mga OFW sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ito ang unang pagkakataon na ipatutupad nila ang internet-based voting.
Kasabay nito, umapela ang mambabatas sa mga OFW na magparehistro na para sa overseas absentee voting bago matapos ang deadline sa September 30.
Gayunpaman, aminado si Garcia na napakahirap din ng voting by mail dahil ilang mga balota rin ang naliligaw o kaya naman ay sadyang hindi natatanggap ng mga botante kaya’t hindi maibalik sa kanilang tanggapan.