Hinimok ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko at mga political parties na dumalo para matunghayan ang final testing at sealing ng vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa halalan sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, isasagawa ito sa Mayo 2 hanggang 7.
Aniya, sa naturang mga araw ay gagamit ang bawat presinto ng 10 original ballots para sa May 9 elections at puwedeng ang publiko o ang mga political parties mismo ang sumubok nito.
Ipinaliwanag ni Garcia na kailangang i-test ang mga VCM bago gamitin at kailangan itong saksihan ng ating mga kababayan.
Kailangan daw maipakita sa naturang test na zero vote ang nilalaman ng resibo na ibig sabihin ay walang laman ang makina.
Sinabi rin ni Garcia na ang mga dadalo sa naturang final testing at sealing ay puwedeng subukang mag-undervote o overvote, huwag i-shade ng maayos ang mga bilog sa balota o puwede rin nilang punitin ang balota para makita kung tatanggapin ito ng VCM.
Dagdag ng Comelec commissioner na sa sandaling naselyuhan na sa haran ng mga witnesses at representatives mula sa mga political parties ay kailangan nilang pumirma ng isang form.
Nakasaad sa naturang form na handa na at walang sira ang mga VCM para sa halalan.
Kung maalala, noong Huwebes ay nagsagawa ang Comelec ng random manual checking ng mga official ballot na gagamitin para sa halalan.
Pinayagan ditong dumalo ang ilang political parties at election stakeholders para suriin ang kalidad ng mga naimprentang balota.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Garcia na nasa 105,853 na baloa ang depektibo.
Mayroon daw itong smudges, improper cuts at colors at mayroong unmatched timestamps.