Ang Commission on Elections (Comelec) ang magdedesisyon kung disqualified sa darating na halalan ang mga politikong nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, kinausap niya si PDEA Director Aaron Aquino para mapigilan ang mga umano’y narco politicians na makalahok sa darating na halalan.
Paliwanag ni Año may mga specific provision ang batas na dapat ay may final conviction ang isang indibidwal bago ito ma disqualified sa halalan.
Sinabi ng kalihim na ikukunsulta nila ang nasabing asunto sa Comelec, dahil ayon sa batas, yaong mga politikong pansamantalang nakakulong na hindi pa nahahatulan ay pwedeng tumakbo kung kaya nilang kumandidato.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Año sa inisyatibo ng ilang mga partido politikal na hindi nila ieendorso ang mga politikong nasa narco list.
Samantala, sinabi naman ni PNP spokesman C/Supt Benigno Durana na kahit hindi pa convicted basta’t may malakas na ebidensya laban sa mga narco-politicians na pwedeng tumayo sa korte, ay dapat nang ikonsidera ito bilang grounds for disqualification.










