-- Advertisements --
Comelec building 2022 05 26 01 04 03

All set na ang Commission on Elections (Comelec) sa muling pagpapatuloy ng voters’ registration sa Lunes.

Kasabay nito, pinaalalahanan naman ng komisyon ang publiko na samantalahin ang schedule dahil isasagawa ito sa loob lamang ng isang buwan.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang registration period ay hanggang sa Enero 31, 2023.

Ang registration ay bilang paghahanda para sa December 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Ang mga kuwalipikadong botante ay puwedeng bumisita sa Comelec office sa kanilang mga lungsod at munisipalidad mula Lunes hanggang sa Sabado sa oras na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Sinabi nitong mayroon umanong mga mall sa labas ng National Capital Region (NCR) na kanilang kinausap para sa pilot test areas ng Register Anywhere Project (RAP).

Ito ay maliban pa sa limang mall na matatagpuan naman sa Metro Manila na puwedeng makapag-accommodate ng mga qualified applicant na nakatira kahit saan mang sulok ng bansa.

Ito naman ay isasagawa tuwing Sabado at Linggo lamang sa Disyembre 17 hanggang Enero 22, 2023 maliban na lamang sa Disyembre 24, 25 at 31, 2022 at January 1, 2023.

Maliban naman sa mga mall, puwede ring mag-register ang mga aplikante sa Senate of the Philippines sa Pasay City sa Enero 25, 2023.

Ang Register Anywhere Project ay bubuksan din sa House of Representatives sa Quezon City at Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa Pasay City.

Pero hindi pa naman pinal ang schedule para rito.

Inabisuhan naman ang publiko na bumisita na abangan na lamang ang mga anunsiyo ng komisyo sa pamamagitan ng kanilang mga website, official social media pages gaya ng Facebook, Twitter, YouTube, Instagram at Tiktok.

Ang mga aplikante naman ay inaabisuhang magdala ng valid proofs of identifications gaya ng National ID (PhilSys), passport, driver’s license, employment ID, student ID o library card na pirmado ng management ng mga paaralan, college or university, Senior Citizens ID, PWD ID, Indigenous Peoples Certificate mula sa National Commission on Indigenous Peoples at Barangay Certification na mayroong larawan at signature ng aplikante.

Para mag-qualify naman bilang Barangay voters, ang mga aplikante ay dapat 18-anyos pataas at residente ng Pilipinas ng kahit isang taon.

Dapat ay nakatira rin ito sa area kung saan siya magre-register sa loob ng kahit anim na buwan bago ang Election Day.

Para naman sa SK voters, ang mga aplikante ay dapat na Pilipino na may edad 15 hanggang 30-anyos at naninirahan sa area kung saan niya gustong magrehistro sa loob ng kahit isang buwan bago ang Election Day.