LEGAZPI CITY- Naharang ng mga otoridad sa Pio Duran port sa Albay ang isang colorum na bus na may sakay na 22 mga pasahero mula sa Metro Manila at patungo sana sa lalawigan ng Masbate.
Kwento ni Pio Duran MDRRMO Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-recruit ng pasahero ang isang pribadong indibidwal sa pamamagitan ng social media.
Ginagamit umano nito ang programang Balik Probinsya Program upang makalusot papasok ng rehiyon.
Posible aniyang nakalusot ang naturang bus sa Del Gallego border dahil sa pag-aakalang mga OFW ang sakay ng naturang tourist bus.
Dagdag pa ni Ordoña na walang maipakitang medical certificate ang ilan sa mga pasahero habang ang ilan naman ay inisyu ng pribadong clinic, na hindi accredited ng Department of Health.
Sa kasalukuyan ay nakipag ugnayan na ang Pio Duran LGU sa Masbate counterpart at papayagang makapag biyahe patungo sa lalawigan ang 22 na pasahero subalit prayoridad umano ang mga nakapila pang pasahero at trucks na una ng dumagsa sa naturang pantalan.










