Color Coded passes sa Kidapawan City mag-uumpisa na ngayong araw
CENTRAL MINDANAO – Ipatutupad na City Government sa pamamagitan ng City DILG ang bagong color coded Kidapawan Quarantine Identification Passes o KIDQIP simula ngayong araw April 20, 2020.
Layun ng bagong KIDQIP na malimitahan pa ang dami ng mga mamamayan na lumalabas ng bahay sa panahon na ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine laban sa Covid19.
Magbibigay din ng kahalintulad na color coded KIDQIP passes para naman sa mga tricycle para malimitahan din ang pagbabyahe ng mga ito.
Kulay ‘Pink at Yellow’ ang bagong KIDQIP na gagamitin lamang sa mga itinakdang araw sa isang linggo.
Gagamitin lamang ng mga households ang bagong KIDQIP sa pamamalengke, pagbili ng gamot, pagpapakonsulta sa duktor, at pagbili ng mga pangunahing pangangailangan simula April 20 hanggang sa pagtatapos ng ECQ implementation.
Samantala, tanging pamamasada lamang ang paggamit ng KIDQIP sa mga tricycle.
Huhulihin ng mga otoridad ang mga walang dalang KIDQIP kapag lumabas ng bahay o bumiyahe sa panahon ng ECQ, pagbabanta pa ni City Mayor Joseph Evangelista.
Para sa mga households, gagamitin ang kulay Pink na KIDQIP sa mga araw ng Lunes, Miyerkules, Biyernes at Sabado.
Yellow KIDQIP naman tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Sa mga tricycle naman, Pink KIDQIP para sa pamamasada sa Lunes, Miyerkules at Biyernes, samantalang Yellow naman kung Martes, Huwebes at Sabado.
Papayagang bumiyahe ang lahat ng tricycle sa araw lamang ng linggo.
Kaliwaan ang pamimigay ng bagong KIDQIP.
Ibig sabihin, ibabalik ang naunang White KIDQIP para mabigyan ng bagong colored KIDQIP, ayon pa kay Mayor Evangelista.
May security features ang bagong colored KIDQIP upang hindi basta-basta magagaya at magagamit sa hindi tamang pamamaraan.
Nagbanta naman si Mayor Evangelista sa mga nagbabalak sa pamemeke ng bagong KDQIP na makukulong sila kapag nahuli ng mga otoridad.
Payo pa ng alkalde sa lahat na ingatan ang kanilang KIDQIP dahil hindi na ito papalitan pa ng City Government.










