DAVAO CITY – Kahit na hindi nagbigay ng direktang pahayag patungkol sa naging akusasyon ni Vice Presidential Candidate Walden Bello patungkol sa kurapsiyon sa coastal road project sa lungsod sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Roger Mercado na iba ang nasabing proyekto dahil may malaking components ito kung ikukumpara sa mga ordinaryo highways.
Nilinaw ni Mercado na ang nasabing coastal road ay isa sa mga flagship projects ng kasalukuyang administrasyon para mabigyan ng solusyon ang nararanasan na Cotabato-Davao Road mula sa Toril area patungong downtown area.
Magsisilbi rin ito na bypass road, coastal shore protection, at breakwater na magbibigay ng proteksiyon sa lungsod sa malalaking alon sa dagat, water surges, at shore erosion.
Nabatid na sakop sa proyekto ang malapad na kalsada, bicycle lanes, curb, gutter at sidewalk.
Ginawa rin ang nasabing proyekto sa tabi ng dagat dahil mahirap kumuha ng “road right of way” lalo na at maraming mga informal settlers na nakapalibut sa siyudad kung saan nakatayo ang coastal road, may ilang mga resorts sa Talomo coastlines, at may mga institutional structures na maaapektohan.
Itinanggi rin ng Department of Transportation (DOTr) ang pahayag ni Bello na may kurapsiyon rin sa public utility vehicles (PUV) modernization program (PUVMP) ng lokal na pamahalaan.