-- Advertisements --

Tinawagang pansin ng Commission on Audit (COA) ang Sandiganbayan hinggil sa underutilization ng anual budget nito mula pa noong taong 2019.

Ito ay matapos na hindi magamit lahat ng Sandiganbayan ang budget na inilaan sa kanila para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) at capital outlay (CO) para sa 2019 hanggang 2021.

Nakasaad sa 2021 annual audit ng COA, makikita na nasa 7.58 percent lamang o may katumbas na Php 39.254 million lamang ang nakagamit sa pondong inilaan para sa nasabing kagawaran na may kabuuang Php517.698 million ang kabuuang halaga.

Ibig sabihin, umaabot sa 92.42 percent o nasa Php 478.444 ang halaga ng hindi nagalaw ng ahensiya sa nasabing pondo.

Ayon sa COA, lumalabas na umaabot lamang sa 6.75 percent o Php42.264 million ang halaga ng average utilization rate ng Sandiganbayan at sinabing ang mababang paggamit nito sa budget ay nagresulta sa partial attainment ng mga pangunahing programa, aktibidad, at proyekto nito na taliwas anila sa Section 72 ng General Provisions of General Appropriations Act (GAA) ng 2021.

Nakasaad kasi sa naturang probisyon na lahat ng sangay ng gobyerno na tumatangkilik sa fiscal autonomy ay dapat na gumastos sa kung ano ang nakaprograma sa kani-kanilang appropriations.

Iniulat din ng COA na ang utilization rate para sa maintenance ng mga gamit, pasilidad, at gusali ang may pinakamababang utilization rate sa budget appropriations ng Sandiganbayan na lubhang anilang mahalaga dahil sa work from home status ng mga empleyado dito noong panahon ng lockdown.

Samantala, sa kabilang banda naman ay kinilala ng Sandiganbayan Bids and Awards Committee (BAC) at Secretariat ang low budget utilization na ito kasabay ng pangakong muling pagbisita sa procurement processes nito upang tiyakin ang agarang paghahatid ng mga program, projects, and activities (PPAs) nito.

Sumang-ayon din ito sa rekomendasyong magsagawa ng pagrepaso sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga PPA ng naaayon sa budget, gayundin sa evaluation ng existing practices at procedures ng implementasyon ng PPAs para matugunan naman ang accumulation ng mga hindi nagamit na pondo.