Kinalampag ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) dahil sa mga lapses at pagkaantala ng pagpapatupad ng school-based feeding program (SBFP) sa ilang lugar noong nakaraang taon.
Sa 2022 audit report nito sa DepEd, sinabi ng state auditors na ang ilang DepEd regional at schools division offices (SDO) ang naantala sa pagpapatupad ng kani-kanilang SBFP, na may kabuuang inilaan na badyet na higit P82 milyon.
Halimbawa, sa Oriental Mindoro, ang ilang mga paaralan ay tumanggap ng sariwang pasteurized milk noong Nobyembre 2022, kahit na ang aktwal na pagpapatupad ng programa ay mula Setyembre 12 hanggang Oktubre 21, 2022.
Sa Cotabato, ang milk feeding program na dapat ay natapos noong 2021 ay ipinatupad lamang noong Pebrero 2022 dahil sa late transfer ng pondo.
Kabilang sa iba pang lugar na naantala ang pagpapatupad ng SBFP ay ang Makati, Baguio, Cagayan at Kidapawan.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, naglabas ng department order si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na nagpapalawig sa period of implementation ng SBFP matapos makaranas ng pagkaantala ang ilang school division office sa pagbili at pamamahagi ng mga food and milk products.