Papasok na ngayong linggo sa audit phase ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos iharap noong nakaraang linggo ang mga testigong nagpatunay sa paglabas at pag-withdraw ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, susunod na haharap sa impeachment court ang mga testigo mula sa Commission on Audit (COA) upang ipaliwanag kung paano in-audit ang confidential funds at kung naaayon sa umiiral na mga patakaran ang liquidation at mga isinumiteng supporting documents.
Inaasahang unang tetestigo sina dating COA State Auditor Roderick Wamil at kasalukuyang Intelligence and Confidential Funds Audit Office Supervising Auditor Celine May Del Campo. Kasunod namang haharap si House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja.
Sinabi ni Acidre na mula sa pagtunton sa pinagmulan at pag-withdraw ng pondo, lilipat na ngayon ang prosekusyon sa usapin kung paano ginastos at kung maayos ba itong na-liquidate.
Noong nakaraang linggo, tumestigo ang dalawang dating opisyal ng Land Bank na nagsabing ang P612.5 milyong confidential funds ay nagmula sa National Treasury at winithdraw nang buo sa pamamagitan ng pitong tseke.
Inaasahan ding tatalakayin ng mga COA witness ang naging direktiba ng komisyon na isauli ang P73.287 milyong confidential funds na inilabas sa OVP noong 2022, gayundin ang mga isyung lumitaw sa liquidation documents, kabilang ang mga acknowledgment receipts na naglalaman ng umano’y kathang-isip na pangalan at iba pang sinasabing iregularidad na unang nabunyag sa imbestigasyon ng Kamara.
















