Inumpisahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglilinis ng mga kalsada sa Luzon na hindi madaanan dahil sa pananalasa ng bagyong Karding.
Mula sa siyam na national roads sa Luzon, nasa anim na kalsada na ang bahagyang binuksan na sa publiko.
Nananatili namang sarado ang Kennon Road sa Cordillera Administrative Region (CAR), Junction Abbag- Nagtipunan-Nueva Vizcaya Road (via Dupax) sa Nueva Vizcaya at sa Diteki River Detour Road sa may Nueva Ecija-Aurora Road sa Aurora Province.
Sa rehiyon dos naman, ang ibang national roads at mga tulay ay nadadaanan na at bukas na sa publiko liban sa La Conwap Detour sa may Jct. Abbag- Nagtipunan- Nueva Vizcaya Road (via Dupax ) dahil sa mataas na water elevation.
Samantala, binuksan na rin para sa lahat ng uri ng sasakyan ang San Pedro Overflow Bridge sa may NRJ-Villa Sur-San Pedro-Cabuaan-Ysmael-Disimungal Road sa Maddela, Quirino.
Bahagya na ring binuksan ang mga kalsada sa Junction Abbag- Nagtipunan- Nueva – Vizcaya Road (via Dupax) sa San Pugo, Nagtipunan, Quirino.
Sa bahagi naman ng Manila North Road sa Sitio Banquero sa Pagudpud, Ilocos Norte, tanging ang mga light vehicles pa lamang ang pinapayagang dumaan sa lugar.
Nakaantabay naamn ang DPWH-region I Norte First District Engineering Office (DEO) sa mga lugar kung saan posibleng makapagtala ng landslides o pagguho ng lupa.
Inaabisuhan naman ng DPWh ang mga biyahero na limitahan ang pagdaan sa tatlong kalsada dahil sa submerged portion ng kalsada kabilang dito ang Apalit-Macabebe- Masantol Road sa Calsada Bayu, Sta. Rita, Macabebe, Pampanga; Olangapo- Bugallon Road sa Cabanang, Zambales; at Rizal Bdry.-Famy-Quezon Bdry. Road sa Laguna.
-- Advertisements --