KORONADAL CITY – Tumatalima na umano ang maraming miyembro ng kontrobersyal na religious organization sa Daegu City na umano’y ugat sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa South Korea.
Ito ang inihayag ni Girlie Simpao Yoon na residente sa naturang bansa sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Yoon, ito’y matapos binigyan ng ultimatum ng South Korean government ang mga miyembro ng religious cult na Shincheonji na maaari silang makulong ng isang taon at pagbabayarin pa ng 10 million won kapag hindi makikipagtulungan sa mga otoridad upang masugpo ang outbreak.
Samantala, patong-patong na kaso ang kinakaharap ng kanilang founder na si Lee Man Hee kung saan patuloy na itong iniimbestigahan ng mga otoridad.
Nabatid na umani ng batikos ang church founder dahil sa hindi raw ito tapat sa paghingi ng tawad hinggil sa pagkalat ng nakakamatay na COVID-19.
Samantala, inihayag ni Yoon na ilan sa mga miyembro ng Shincheonji ang nagsagawa ng isang petisyon na patalsikin si President Moon Jae In na sinasabing responsable sa pagpapapasok ng mga tao mula sa Wuhan City, China, bago kumalat ang sakit.
Sa kabilang banda, mariin nitong itinanggi ang mga impormasyong sinusunog na ang mga bangko at ang mga pera bilang paraan upang hindi na kumalat pa ang virus.