-- Advertisements --

Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpatay sa medical chief ng National Center for Mental Health (NCMH) na si Dr. Roland Cortez at driver nito sa Quezon City nitong Lunes.

Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, nakakabahala ang krimen na nangyari malapit lang sa Batasang Pambansa, kung saan naghatid ng State of the Nation Address ang pangulo.

Pati na ang aniya’y istilong “vigilante-killing” ng mga salarin, sa kabila nang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa buong lugar.

“Deeply concerning as this signifies how emboldened the perpetrators are in carrying out a crime in broad daylight.”

Umapela ang opisyal sa Philippine National Police at iba pang lokal na otoridad na agad maglatag ng imbestigasyon para mapanagot ang sinasabing riding-in-tandem na mga salarin.

“For its part, the CHR commits to conduct an independent probe and will closely monitor the situation. We call for justice for the slain public servant and extend our deepest sympathies to the family and loved ones of Dr. Cortez and his driver.”

Dagdag pa ni De Guia, dapat ding imbestigahan ng pamahalaan ang umano’y iregularidad sa loob ng NCMH.

“In this time of a global health crisis, unethical and corrupt practices in public health institutions undermine people’s access to healthcare, especially the most marginalised and disadvantaged.”

Bukod sa NCMH medical chief, patay din sa ambush ang driver nitong si Ernesto dela Cruz.

Noong Abril nang lumutang ang pangalan ni Cortez bilang nasa likod ng endorsement para malipat ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las Piñas City si dating NCMH executive director Dr. Clarita Avila.

Ayon sa Department of Health, may mga paglabag daw si Avila kaya pinalipat ng pasilidad. Pero depensa nang opisyal, ang pagpapaalis sa kanya sa NCMH ay kinalaman sa mga isinawalat niyang kakulangan ng institusyon sa COVID-19 response.