-- Advertisements --
image 424

Handang makipagtulungan ang Commission on Human Rights (CHR) sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs ng bansa sa ilalim ng nagdaang Duterte administration.

Ayon kay CHR Chair Richard Palpal-latoc, sakaling humiling ang ICC ng kanilang tulong para ibigay ang mga ebidensiyang kanilang nakalap sa mga kaso na kanila ng naimbestigahan, maaari nila itong ibahagi sa international court.

Dagdag pa ng opisyal na isasagawa nila ang kanilang mandato kung ang kanilang partisipasyon ay makakatulong naman para mahanap ang solusyon sa problema sa isyu sa karapatang pantao na nakakaapekto sa mga Pilipino.

Sinabi din nito na mayroong independent mandate ang CHR para tignan ang mga concerns may kinalaman sa karapatang pantao ng mga Pilipino dito sa bansa at sa abroad.

Base sa human rights chief, ang mga kasong inimbestigahan ng komisyon ay pawang public documents kaya walang nakikitang limitasyon sa paglalahad ng mga ito.

Batay sa 2022 report, nasa kabuuang 882 kaso may kinalaman sa 1,139 biktima ng drug war ang inimbestigahan ng CHR, na maliit na bahagi lamang ng libu-libong namatay sa drug war campaign ng nagdaang administrasyon.