KORONADAL CITY – Magsasagawa na nang hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights XII(CHR-12) kaugnay sa inilunsad na kontrobersiyal na police operation na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal kabilang na ang isang menor de edad sa Sitio Ebenezer, Brgy. Rang-ay , Banga South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Atty. Keysie Gomez, OIC – Regional Director ng CHR-12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Atty. Gomez, humingi ng tulong sa kanila ang pamilya ng mga biktima at ipinag-giitan na “mistaken identity” ang nangyari dahil ang dalawang namatay na indibidwal ay inosente, walang anumang kaso at kapwa mang-uuling at hindi target ng “warrant of arrest” na isisilbi sana ng operating team.
Dagdag pa ng opisyal, nais ng pamilya ng menor de edad at isa pang biktima na isailalim sa autopsy ang bangkay ng mga ito upang ipursige ang kaso laban sa operating team.
Sa ngayon, pagtutuonan ng pansin ng CHR 12 ang pangangalap ng karagdagang dokumento kabilang na ang paghingi ng listahan ng mga pangalan ng kapulisan na kabilang sa operasyon upang mapadalhan ng subpoena at mahingan din ng kanilang mga counter affidavit.
Ipinasiguro din ni Gomez na hindi magpapabaya ang kanilang ahensiya hanggat hindi nabibigyan ng hustisya ang mga biktima.
Matatandaan na nasawi sa operasyon na isinagawa ng RID 12, RSOG 12, SCPIU, 1st SCPMFC at Banga MPS sina Roberto Lapastura,41 anyos at Jemiles Dasan, 14 anyos na kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Una na ring nanindigan si Police Col. Nathaniel Villegas, provincial director ng South Cotabato na lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon laban sa dalawang wanted persons na nagtatago sa nabanggit na lugar at dahil umano nanlaban ang mga ito kaya’t gumanti ang mga operatib at nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal.