-- Advertisements --

Hawak na sa ngayon ng gobyerno ng China ang listahan ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa online gaming operations sa Pilipinas.

Ginawa ng Chinese Embassy sa Manila ang naturang anunsyo sa gitna ng mga ulat na kinansela na ng China ang mga pasaporte ng kanilang mamamayan na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at mga iligal na operasyon.

“In order to crack down on cross-border telecommunication fraud crimes, the Ministry of Public Security of China has obtained a list of Chinese nationals suspected of committing long-term telecommunication fraud crimes abroad, who are classified as the persons prohibited from exiting China according to the Exit-Entry Administration Law of the People’s Republic of China,” bahagi ng statement ng Chinese Embassy.

Target ng operasyon na ito ang mga suspected Chinese nationals na sangkot sa telecommunications fraud crimes sa iba’t ibang bansa.

Hindi naman tinukoy ng embahada kung totoong kinansela na nito ang mga pasaporte ng mga suspected Chinese online gaming at telecommunications fraud workers na nasa listahan na kanilang hawak.

Nabatid na magmula noong 2016, kapansin-pansin ang pagdami ng bilang ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO.

Kadalasan hindi kumukuha ng nararapat na legal work permits ang Chinese online gaming operators sa Pilipinas para sa kanilang mga Chinese employees o umano’y nagbabayad ng suhod sa Immigration officers ng PIlipinas.

Sa kabila ng makailang ulit na apela ng China sa gobyerno ng Pilipinas na ipahinto ang POGO operations, patuloy namang yumayabong ang industriyang ito sa bansa.