-- Advertisements --

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Rights, Graphic Health Warning Law, and National Internal Revenue Code of 1997 ang isang Chinese national matapos itong maaresto sa Barangay Ermita nitong lungsod ng Cebu dahil sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo.

Kinilala ang suspek na si Allen Lim, 40 anyos.

Nasamsam ng mga operatiba ng CIDG Mandaue City Field Unit mula kay Lim ang tinatayang P1.9 milyong halaga ng mga pekeng produkto ng Japan Tobacco International at Phillip Morris Fortune Tobacco Company.

Kabilang dito ang 9 na kahon ng Mighty Green; 4 na kahon ng Mighty Red, 3 kahon ng Winston; 2 kahon ng Marlboro; 3 kahon ng Jackpot; isang kahon ng iba’t ibang Mighty na sigarilyo; at ilan pang sari-saring produkto ng sigarilyo.

Isinagawa ang operasyon kasunod na rin sa pagkasamsam ng nasa P700,000 na halaga ng pekeng sigarilyo sa Danao City kung saan tinukoy ang naaresto bilang supplier.

Tiwala naman ang mga otoridad na walang sindikato sa likod ng paglaganap ng mga pekeng sigarilyo, gayunpaman, magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon kaugnay nito.