-- Advertisements --
image 237

Itinanggi ng Chinese embassy ang reports na pwersahang kinuha umano ng Chinese Coast Guard ang isang unidentified floating object na-retrieve ng Philippine Navy malapit sa Pag-asa island.

Paliwanag ng embahada na nagkaroon ng isang “friendly consultation” sa pagitan ng magkabilang panig.

Una ng iniulat ng Armed Forces of the Philippines Western Command (Wescom) na isang unidentified floating object ang na-retrieve nila sa may Pag-asa island.

Ayon kay Wescom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, namataan sa pamamagitan ng long-range camera ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) ang naturang bagay na inaanod sa direksyon 800 yards kanlurang bahagi ng isla noong umaga ng Linggo.

Kinumpirma ng Embahada na ang naturang object ay natagpuan umaga noong Nobiyembre 20 na lumulutang sa may katubigan ng Nansha islands na natukoy na debris ng rocket na inilunsad kamakailan ng China.

Ayon naman kay Command spokesperson Major Cherryl Tindog na ang naturang bagay ay kapareho ng debris na natagpuan sa Busuanga, Palawan na ayon sa Philippine Space Agency ay tila pareho ng fairing ng Chinese rocket na inilunsad noong Oktubre 31.

Saad naman ni Wescom Commander Carlos na tinungo ng Naval station Emilio Liwanag ang isla at itinali ang naturang bagay sa kanilang boat para maibalik sa kanilang istasyon subalit habang hinihila ang naturang bagay ay napansin nilang lumalapit ang Chinese Coast Guard vessel sa kanilang lokasyon at hinarangan sila sa kanilang pre-plotted course ng dalawang beses.

Nagdeploy din aniya ang Chinese Coast Guard ng kanilang inflatable boat at kinuha ang naturang object mula sa Philippine Navy kung kayat nagpasya na lamang ang mga ito na bumalik sa may Pag-asa island at pinairal ang maximum tolerance at wala din naman aniyang nasugatan sa insidente.

Sa kabila nito, nagpasalamat naman ang Chinese Coast Guard sa parte ng Pilipinas at sinabing walang nangyaring pagharang sa daanan ng Philippine Navy boat at pwersahang pagkuha ng naturang object.

Iniulat na rin sa National Task Force for the West Philippine Sea ang naturang insidente at nasa Task force na ang desisyon para gumawa ng angkop na aksiyon kung maghahain ng diplomatic protest sa naturang isyu.

Sa ngayon ayon sa lokal na pamahalaan ng Kalayaan, balik sa normal ang sitwasyon sa naturang isla.