Binigyang-diin ng isang opisyal ng Embahada ng China sa Maynila ang pangangailangan ng kooperasyon at pag-unawa sa isa’t isa kasunod ng mga ulat na inalis ng mga mangingisdang Tsino ang mga boya na inilagay ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
nabi ni Chinese Embassy Counsellor Ji Lingpeng na ang maritime dispute ay hindi dapat magbigay kahulugan sa bilateral relation sa pagitan ng Pilipinas at China.
Dagdag pa ng opisyal na ang ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng dalawang bansa ay nananatiling matatag.
Sinabi din ni Ji na parehong binigyang-diin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ang kahalagahan ng diplomasya sa pagresolba ng mga isyu sa pinagtatalunang karagatan sa pagbisita ni Marcos sa Beijing noong Enero.
Kung matatandaan, naglagay ng limang boya ang PCG noong nakaraang buwan sa Kalayaan group of islands na matatagpuan sa loob ng 220 nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas bukod pa sa naunang limang boya na na-deploy noong Mayo 2022.
Tumugon naman ang Beijing sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga boya vessel sa West Philippine Sea. Iniulat din ng state media ng China na tinanggal umano ng mga mangingisdang Tsino ang lahat ng mga boya mula sa karagatan ng Pilipinas.
Itinanggi naman ng PCG ang pahayag na ito at sinabing lahat ng 10 boya ay nasa kanilang mga itinalagang lokasyon.
Tinanong din ng media kung maglalabas ng bagong pahayag ang embahada ng China sa pagtanggi ng PCG sa ulat tungkol sa pagtanggal ng mga boya subalit hindi nagbigay ng pahayag ang opisyal dahil sa napakasensitibong mga katanungan.