-- Advertisements --
armybrawner2

Binigyang-diin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na walang karapatan ang China na mangialam sa pagkukumpuning isinasagawa ng kasundaluhan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ito ang iginiit ng pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa isang pulong balitaan sa Kapihan sa Manila Bay forum kasunod ng mga bali-balitang isa ang umano’y pagdadala ng AFP ng mga construction material sa BRP Sierra Madre para sa pagsasaayos ng naturang barkong ilang dekada nang nakasadsad sa naturang lugar.

Ito rin ang naging tugon ng heneral sa mga pahayag ng China na pag-aari umano nito ang Ayungin shoal dahilan kung kaya’t isa anilang malaking paglabag sa territorial sovereignty ng kanilang bansa sa naturang teritoryo ang pagsasadsad ng AFP ng barko ng Pilipinas doon.

Ayon kay Brawner, karapatan ng Pilipinas na ayusin ang naturang barko dahil ito aniya ay isang commissioned Philippine Navy ship kahit na nakadaong yun sa nasabing pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Kung maaalala, una nang inanunsyo ni AFP Chief Brawner na sinimulan na nito ang pagsasagawa ng superficial repairs sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal upang mabigyan na rin ng mas maayos na pasilidad ang mga tropa ng mga militar na naka-base dito mula nang isinadsad ito sa lugar noong taong 1999.