MANILA – Nilinaw ng Malacanang na isang brand ng bakuna lang para sa COVID-19 ang magiging available sa Pilipinas hanggang sa ikalawang quarter ng taon.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ulanin ng reaksyon ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque nitong Lunes na hindi pwedeng maging “choosy” o pumili ang mga Pilipino ng ituturok sa kanilang bakuna.
“Pagdating ng bakuna sa Pebrero hanggang Hunyo, wala talagang pilian ‘yan kasi iisa lang ang bakuna na magiging available, yun nga yung galing sa China,” ani Roque.
“Kaya nga kung ayaw niyo ng Sinovac, hindi kayo pipilitin,” dagdag ng tagapagsalita ng pangulo.
Inamin ni Roque kahapon na may darating na 50,000 vaccine doses sa bansa mula Sinovac sa susunod na buwan.
Bahagi raw ito ng sigurado nang 25-million doses ng bakuna mula sa nasabing kompanya. Inaasahan ang pagdating ng susunod na doses hanggang katapusan ng taon.
Sa isang panayam sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na baka mauna pang dumating ang supply ng Pfizer-BioNTech vaccines mula Amerika dahil sa COVAX Facility.
Ayon sa Department of Health (DOH), mabibigyan pa rin naman ng bakuna ang mga nasa priority list kapag nilang hindi magpaturok ng mauunang vaccine supply.
“Ang ating mga kababayan ay bibigyan sila ng information kung anong klaseng bakuna, at anong maidudulot na maganda. Possible side effect and then they will sign this (informed) consent,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Pag hindi sila sumang-ayon at sinabi nila na hindi muna sila magpapabakuna for whatever reason, hindi naman (ibig sabihin na) sila mabibigyan ng bakuna hanggang sa huli, ilalagay lang sila bottom list so that other individuals can receive the vaccine.”
Tiniyak ni Vergeire na dadaan sa proseso ang mga darating na bakuna bago iturok sa mga Pilipino.
Bukod sa COVID-19 vaccine ng Sinovac, lumagda na rin agreement ang national government para sa 30-million doses ng bakuna ng Serum Institute of India. May 2.6-million doses din sa ilalim ng tripartite agreement ng pamahalaan, private sector at United Kingdom-based na AstraZeneca.
Ilang local government units sa bansa ang nag-anunsyo na lumagda na rin sila ng kasunduan para sa doses ng bakuna mula sa AstraZeneca.