Iminungkahi ng isang mambabatas ang posibilidad na may kinalaman ang China sa nangyaring mga power outages sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Sta Rosa City Cong Dan Fernandez, ilang mga opisyal ng National Grid Corporation of the Philippines ay mga Chinese, na sila ring nagmamando ng NGCP.
Binibigyan aniya ng Pilipinas ang NGCP ng karapatan para gumawa, mag-install, magmentene, at mag-operate sa halos lahat ng power grid ng bansa, sa likod ng katotohanang 40% ng NGCP ay pag-aari ng Grid Corporation of China.
Tinukoy din ng kongresista ang nangyaring dalawang power outages ngayong taon sa Ninoy Aquino International Airport na aniya’y nangyari matapos pinagtibay ng pamahalaan ang commitment nito sa US na nag-umpisa simula bumisita dito sa Pilipinas si US VPres Kamala Harris, Nobiembre ng nakalipas na taon.
Inihalimbawa pa ni Fernandez ang naging reaksyon ng China sa tumitibay na military alliance ng Pilipinas at US, sa pamamagitan ng sunod-sunod na joint military exercises, military drills, at extension ng Enhanced Defence Cooperation Agreement.
Maalalang dalawang beses nang nagkaroon ng malawakang power outage sa bansa, na nagdulot sa kanselasyon ng maraming flights sa loob ng ilang oras. Kabilang na dito ang January 1 at May 1 power outages.