Nagmatigas si Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin Jr. na tanggapin ang alok na joint investigation ng China sa insidenteng kinasangkutan ng barko nito at Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
Ayon kay Locsin, mananatiling independent ang estado sa pagsisiyasat ng kaso dahil sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang pinangyarihan ng insidente.
Bukod dito, nanindigan ang kalihim na walang sino man ang maaaring magdesisyon sa hakbang ng DFA
“There will be no joint investigation. China and Philippines will conduct their respective investigations,” ani Locsin.
Nitong Huwebes nang mag-alok ang Beijing ng sabay na imbestigasyon ng dalawang estado sa insidente.
Kasabay nito, pinuna ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lu Kang ang mga akusasyong sinadya ng kanilang barko ang pagbangga dahil taliwas daw ito sa pagpapahalaga ng estado sa relasyon nila ng Pilipinas.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sinabi ng political analyst at UP professor na si Dr. Clarita Carlos na walang paraan para madaliin ang imbestigasyon dahil hindi biro ang naturang usapin.
Bukod dito, naniniwala ang propesor na isang independent body ang manguna sa kaso.