LEGAZPI CITY – Kinontra ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang pahayag ng Malacanang na walang nangyayaring pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Filipino sa Panatag o Scarborough shoal.
Ito ay matapos na tumanggi si Presidential Spokesperson Harry Roque sa hamon ng grupo na sumama sa mga mangingisda na pumalaot papunta sa naturang parte ng karagatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bobby Roldan ang vice president for Luzon ng grupong PAMALAKAYA, dapat umanong personal ng makita ng gobyerno ang dinaranas ng mga mangingisdang Pinoy na itinataboy ng mga barko ng China sa tuwing nalalapit sa Panatag shoal.
Ibinigay na halimbawa nito ang malinaw na ebidensya ng panghaharass ng China ng minsang itaboy ang Filipino TV crew ng Chinese Coast Guard noong 2018.
Dumagdag pa umano sa pangamba sa ngayon ng mga Filipino ang ipinatutupad na fishing ban at Coast Guard law ng China na pumapayag na atakehin ang mga sasakyang magagawi sa mga pinag-aagawang isla.