Sa kabila ng nagpapatuloy na pagbibilang ng mga boto para sa halalan ngayong taon, nagpaabot na ng pagbati ang China sa dating Senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte- Carpio na parehong nangunguna sa presidential at vice presidential race.
Binati din ni Chinese foreign ministry spokesperson Zhao Lijian ang smooth presidential election sa bansa kasabay ng pagpapaabot ng maagang pagbati sa nangungunang kandidato sa dalawang mataas na posisyon sa gobyerno sa bansa.
Ang natatamasang magandang ugnayan at suporta ng China kay Marcos Jr ay bunsod na rin ng nabuong diplomatic relation ng China sa Pilipinas noong 1975 sa ilalim ng rehimen ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nauna ng inihayag ni presumptive president Bongbong Marcos na kaniyang ipagpapatuloy ang mga naumpishan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga polisiya may kaugnayan sa relasyon ng Pilipinas sa China.
Samantala, nauna na ring nagpahayag ang longstanding ally ng bansa na Estados Unidos na looking forward na rin sila sa mahahalal na bagong pangulo at ikalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ang Japan, Australia at regional bloc European union naman ay binati ang bansa dahil sa pagsasagawa ng isang mapayapang eleksiyon.